I Love you Tae
October 27, 2011
Dapat umiral pero iniiwasan hangga’t kayang
ibaling sa malayo ang paningin
diyata’t nandiyan pa rin.
Kapag inipon
lilikha ng lason
na papatay sa dagat ng laman
at dugong bumabalot sa iyo.
Di man pag-usapan
lagi lang nandiyan
sa tabi tabi, sa pader, sa banyo,
sa kalsada, sa salita, sa diwa, sa kaluluwa.
Nagpapasaya, Nagpapalungkot, Nagpapakaba
Iniiwasan hangga’t kaya
ngunit pirming iiral tulad ng araw sa umaga.
Di kayang paglaruan, di dapat
Di kayang pabanguhin dahil walang rason para
pero Shit talaga. Andami dami naman diyan
Bakit sa tae pa?
Simple.
Tae lang ang may malasakit
Tae lang ang nakakaunawa
Tae lang ang nakakaramdam
sa dinaramdam
ng kapwa Tae.
Ode to the Sixth
October 17, 2011
There lies in the table
a cloth stained with secrets
and hushed whispers soaked in guilt
barely aware of the hand — two hands longing
to clean and preen
and eulogize its soul with every swing
of the pendulum and sand grain falling.
Such clean and pristine hands they were
until the palms opened
and the crows flew out
and the bones came tumbling forth
as the sin writ in blood was
illuminated by the ambivalent sun revealing
the sin of emptiness
wrought by envy and faulty.
phony sentiments. Compliments
i send to misery in silence
Bon Jour I say
to the tumult of disclosure…
Hugas
January 20, 2009
Lalanggasin ko sa dilim
ang pait ng gunita
huhubdan ng tinik
ang bawat salita
upang pumayapa,
tumahimik,
humimlay ang ligalig
sa lukab ng ngiti
Pagliyab ng buwang
tanglaw ng gabi.
Pamuksa ng ala-alang senti
January 20, 2009
Ibininit ng langit ang palaso nya kagabi
Na tumudla sa hanging namantal
sa alaalang idinadahak, paulit-ulit
na sinasakyod ng masinsing ulan
sa palbog na lamad ng gunita.
At nagpaunlak ang yosi
Na pugnawin ang labusak kong ala-ala
Maski sandali
Walang apoy, walang baga
Ni dapog na babalikan
Ngunit alaala’y bumabalik, pinaparnaso
Ang isang bangkay na wangis ni Eros,
Kaya’t nasambit ko ang ngalan
ng sanlibo’t isang
Batthara-guru
Ay, itaboy, itaboy mo po
Ang marak na pag-asa;
Ang lalos na rayang
Sumugat sa papel
At umukilkil sa diwa.
Mi gozo en un pozo!
Sana’y mayroon pa akong
Sigarilyo.
Salubong
January 20, 2009
Araw na aahon ang pintig ng puson,
Maagsasaboy ng init sa pisngi ng gabi
Upang pag-alabin ang dapog
Na pinalamig
Ng iyong paglisan tungong Saudi
Sabihin nang makati, lantod
Ang kiming maybahay na naghatid
Sa iyo noon sa pantalan ng tanaw;
Talos ba nila ang lalim ng sugat
Sa katawan kong hinubdan
Ng mainit na yapos
Ng iyong kaluluwa?
Huwag kang mag-alala,
Sa bawat unday ng luwalhati’y
Ngalan mo ang sambit (maski paanas)
Dahil sa pagsasanib ng aming katawa’y
Nahuhugasan ang sumbat
Na kasamang dadapo ng mga halik, yapos
At luhang isasalubong ko bukas-makalawa
Sa iyong pagdating.
Coniong Dalangin
January 20, 2009
Dear Lord,
Sana’y ma-deliver
Sooner or later
Ferraring inorder
Sa fave kong car dealer
Dear Lord,
Sana everyone’s rich
Tulad me
Para no one shall envy
My suits by Armani
Dear Lord,
Sana’y mag-rain
Tsaka mag-flood
Para ma test sail ko na
Ang cool Yacht ni dad.
Dear Lord,
Sana’y mag-earthquake
Kasi bored na ako
Sa cedar mansion ko,
Sounds fun ipaguho.
Dear Lord,
Sana’y may peace
All over the world
Para mapansin
Pag-declare ko ng war.
Dear Lord,
Sana’y may wheels din
Virus ng flea
and garapata ni Siouxsie
In d’ name of equality.
Dear Lord,
Sanay wala nang AIDS
And S.T. Diseases
K’ze condoms ain’t fun
And rhythm is useless.
Dear Lord,
Sana’y walang hunger
Ang drivers and maids
Para we’re guiltless and cool
Though they’re underpaid.
Dear Lord,
Sana I’m omnipotent
And mighty just like you
But shucks! Olats pare!
My allowance’ still due!
Kantanod
January 20, 2009
Bakit ako makikialam?
Wala naman akong alam.
Bakit pa makikigulo
Sa mundong pinasalimuot
Ng mga marurunong?
Bakit makikinig
Sa sasabihin nila?
Bakit pa magsasalita
Ukol sa kanila?
Bakit kailangang mag-away
Kung puwede namang laging masaya?
‘alang ‘enta,
‘alang ‘enta,
kung makikisali pa ako
‘di naman ako imbitado rito.
Naglolokohan lang tayo.
Layak…
January 20, 2009
Ang layak ay isang malayang koleksyon ng mga berso at taludtod na ibinasura ko sa papel simula nung ako ay nag-aaral pa sa kolehiyo sa PUP Sta. Mesa hanggang sa kasalukuyan. Sa halip na Talaarawan o Diary, ginagawa kong mga berso ang mga araw araw na pangyayari sa mababaw at masalimuot na buhay ko noon bilang, anak, estudyante, torpeng manliligaw at iskolar ng bayan. Nitong huli ay sumangkap na rin ang mga pagsusuri ko sa buhay, gawi ng kapwa at kapaligiran.
- Percival C. Biadora

