Ako si Percival Canonigo Biadora. Call Center Agent. Dating Graphic Artist at Copywriter sa isang ahensya sa Makati. Mahilig akong sumulat pero walang hilig ang pagsulat sa akin. Nasa kolehiyo pa lang ako gusto ko nang sumali sa Timpalak Palanca pero hindi ko ito seryosong hinabol kaya walang nangyari. Pangarap ko noon maabot ang antas ng pagsulat na hinahangaan ko sa mga gaya ni Edgardo Reyes, Rogelio Ordonez, Dominador Mirasol, Alejandro Abadilla, Amado Hernandez, atbp. Nagtangka rin ako magsulat ng mga maikling kuwento ngunit hanggang ngayo’y inaamag pa rin ang mga likha ko sa mga lumang kuwadernong hindi ko ipinapabasa maski sa asawa ko.
Gayunpaman, pagsulat ng mga inaakala kong “tula” ang kinahiligan ko noong ako’y estudyante pa ng Broadcast Communications sa PUP Sta. Mesa.
Wala akong suwerte sa pagtatangka kong makapaglathala ng berso. Isang beses pa lang lumabas ang akda ko sa dyaryo, hindi pa nakapangalan sa akin. Sinubukan kong magpadala ng tula sa Philippine Daily Inquirer mga pitong taon na ang nakararaan pero sabi ni Ruel De Vera “too prosaic” daw ang tula ko. Sabagay. Maski malayang taludturan dapat may pamantayan pa rin. Kung walang batas ang tula, maski daga pwedeng maglabas ng aklat. Nirerespeto ko ang bats ng panitikan ngunit wala akong balak na sundin lahat ito.
Hindi ko itinuturing ang sarili ko na makata. Hindi ko rin ipinamamarali na tula ang mga sinusulat ko. Isa akong hamak na manunulat ng “berso.” Oo, berso dahil hindi ako kailanman naging dalubhasa at panatikong tagahanga ng sukat at kagandahan ng salita gaano ko man ito aralin. Minsan nagtatangka pa rin akong magtahi-tahi ng tugma pero hanggang doon lang. Matagal ko nang isinuko ang pangarap kong maging pulidong makata. Kasabay nun ang pagtanggap sa katotohanan na hinding-hindi ako mabubuhay sa pagsusulat lang ng mga personal na sentimyento at kababawan.
Oo, isinuko ko na ang pangarap pero hindi ang pagsulat.
